Kapitbisig sa kilusang manggagawa na nakikiisa ang Freedom from Debt Coalition (FDC) sa pagdiriwang ng Mayo 1, 2015—bilang Araw ng Paggawa. Ngayon ang araw ng uring anakpawis na patuloy na nagdurusa at lumalaban sa gitna ng patung-patong na pahirap dulot ng mga neo-liberal na polisiya at kontra-mahirap at kontra-mamamayang patakaran ng rehimeng Aquino. Sa pagpasok ng taong 2015, magkakasunod ang anunsyo ng mga pagtaas ng gastusin sa MRT-LRT, tubig at kuryente. Batay sa bagong datos ng National Statistics Office, patuloy ang pagbulusok ng mga presyo ng pagkain gaya ng bigas karne at gulay. Mismong ang National Food Authority rin ay nagbabala na muli pang tataas ang presyo ng bigas bunsod ng tagtuyot na nararanasan sa maraming probinsya at sa pagtaas ng presyo ng langis. Lahat ng ito ay nagaganap sa kabila ng sagad-lupang pasahod sa manggagawa, patuloy na pagpiga sa iba’t ibang buwis at pasanin sa mahihirap, pagwaldas at pagkurakot sa pera ng bayan, tulad ng taunang pagbayad-utang kapalit ang pagpabaya sa mg pangunahing serbisyo at pangangailangan ng mamamayan. Lahat ng ito ay patuloy na pinapasan ng madla sa ilalim ng lantad-na at gasagas na “tuwid na daan” ng gobyernong ito.

Nitong mga nagdaang linggo, walang ginawa si Aquino kung hindi asikasuhin ang pagkukumpuni sa sumasadsad niyang popularidad. Malinaw na mas mahalaga sa pangulo ang pagsalba sa kanyang imahe at sa dumidilim na tsansa ng kanyang partido sa nalalapit na halalan kasya sa pagtugon sa mga batayang pangangailan at konkretong hinaing ng mamamayan.

Habang patuloy ang pagmamalaki ng pamahalaan sa umano’y kagila-gilalas na paglago ng ekonomiya sa ilalim ni Aquino, milyong-milyong manggagawa at mamamayan ang hindi man lang naambunan ng benepisyo sa sinasabing pag-unlad. Samantalang patuloy ang pagyaman ng mga dambuhalang negosyante, patuloy na nagbingi-bingihan si Aquino sa panawagan para sa pagtaas ng sahod. Tahasan niyang tinaggihan ang kahilingan ng mga manggagawa para sa pagsulong ng Security of Tenure bill na sasagot sa malalang problema ng kontraktwalisasyon sa bansa. Wala rin siyang tugon sa mga hiling na gawan ng paraang mapababa ang singil sa kuryente at tubig at maging ang pagbabalik sa subsidyo sa MRT at LRT.
Nakapagngingitngit isipin, nguni’t hindi nakapagtataka ang nagdudumilat na katotohanang, wala sa interes at kapasyahan ng gobyernong ito ang kapakanan ng manggagawa at uring anakpwis. Ang pinagmamayabang nitong lumalagong ekonomiya ay nilikha mula sa pawis, dugo at pagpapahirap sa murang lakas-paggawa ng masang anakpawis sa ating bayan. Malaking bahagi din ng pondo ng pamahalaan ay ninanakaw o nasasayang lamang gaya ng nakita natin sa naglantarang isyu ng pork barrel scam, DAP at usad-pagong na pagtugon sa mga kalamidad gaya ng bagyong Yolanda. Kamakailan lamang ay lumabas din ang mga balitang aabot sa Php 468 bilyon ng 2014 badyet ang hindi nagalaw.
Samantala, tuloy-tuloy lang ang pagkamal ng tubo ng mga negosyante at korporasyon. Kitang-kita ito sa muling uminit na usapin ng pag-iwas ng mga kumpanyang Maynilad at Manila Water sa pagbabayad ng buwis na sa mga nagdaang taon ay pinyagang ipinapasa lamang ang kanilang bilyon pisong corporate income taxes sa mga konsyumer. Habang nagaganap ito, ang mga ordinaryong mamamyan at milyon-milyong manggagawang kumikita lamang ng minimum wage ay patuloy na pinipiga sa pagbabayad ng buwis!
Ang kalakarang ito ay pagpapakita ng pagkiling ni Aquino sa mga elitistang negosyante at sa kawalang malasakit niya sa manggagawa at mamamayan. Higit pa dito, malinaw itong manipestasyon ng kawalan ng hustisya sa pananalapi at pagbubuwis sa ilalim ng umiiral na sistema. Kaya’t sa araw na ito, habang kinikilala natin ang mga sakripisyo ng sektor ng paggawa, sama-sama nating isusulong ang ating mga panawagan para sa katarungan sa pananalapi at pagbubuwis para sa manggagawa at sa bayan:

  1. Itigil ang Value Added Tax (VAT) sa mga pagkain, pangunahing serbisyo (tubig, kuryente, at iba pang batayang pangangailangan (ie.pagkain, pangkalusugan, pabahay, edukasyon)
  2. Tax exemption para sa may mababang sahod at fixed income (ie., katumbas ng minimum na sahod)
  3. Ipataw ang karampatang buwis para sa mayayaman at dambuhalang korporasyon( ie., TNCs, namumuhunan sa extractive industry, langis, fossil fuels at sa tubig, kuryente at enerhiya) .
  4. Usigin at papanagutin ang mga upisyales at pulitikong sangkot sa mga kaso ng pandarambong, pagnanakaw atbp. abuso sa pondo ng bayan ( ie., PDFA, DAP,etc.)
  5. Ibasura ang Automatic Appropriations Law (AAL) na awtomatikong naglalaan ng pondo at badyet ng gobyerno sa taunang pambayad interes at utang. Ipatupad ang awdit sa mga utang. Huwag bayaran ang mga ilehitimong mga utang.
  6. Wakasan ang diktadura sa pananalapi ng ehikutibo! Ihinto lahat ng porma ng Pork at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa panunuhol at patronage politics.
  7. Tiyakin ang living at social wage at pangkalahatang proteksyong sosyal para sa mahihirap at walang-hanapbuhay.
  8. Reporma sa buwis at pananalapi tungo sa hustisyang pang-ekonomiya at sosyal at pagpawi ng kahirapan at di pagkakapantay-pantay.
  9. Hustisya sa kababaihan at kasarian sa pakikipaglaban ng hustisya para sa buwis at pananalapi.
  10. Hustisya sa buwis at pananalapi tungo sa hustisyang pang-klima—sapat na pondo para sa pagtatayo ng mga disaster at climate-resilient na pamayanan at danyos at pambayad sa mga pinsala at pagkasira ng kabuhayan at ari-arian ng mga nasalanta.

​Wala tayong maasahang bathala, manunubos o tuwid na daan—nasa ating mga kamay at sama-samang paglaban nakasalalay ang ating kalayaan mula sa pang-aapi at kahirapan!
——–
Pahayag ng Freedom from Debt Coalition alinsunod ng Pagkilos sa Araw ng Paggawa 2015