Ang Freedom from Debt Coalition (FDC) ay nagpapahayag ng mahigpit na pagkakaisa sa malawak na mamayang Bangsamoro at sambayang Pilipino upang kamtin ang matagal nang pinaglalaban ng ating mga kapatid sa Mindanao na pangmatagalang kapayapaan batay sa hustisya at katarungan, kaginhawaan at kaunlaran. Magaganap lamang ito kung mapagpasyang wakasan ang ilang-dekadang digmaan at armadong pakikibaka ng ating mga kapatid na Bangsamoro at mapasakamay nila ang kanilang matagal na pinaglalabang karapatan sa pagpapasya –sa-sarili (the right to self-determination) . Pormal na kinikilala at tinataguyod ng FDC bilang isang progresibong pambansang koalisyon para sa hustisyang pang-ekonomiya at sosyal, at laban sa neoliberalismo at kahirapan—ang sagradong karapatang ito, batay sa desisyon ng Kongreso ng FDC noong Mayo 2014. Ang naganap na negosasyon at kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) at ng Moro Islamic Liberation Fron (MILF) ay isang mapagpasyang hakbang tungo sa hangarin natin at ipinaglaban na isang makatarungang pangkapayapaan sa Mindanao, at sa hanay ng mga kapatid nating Bangsamoro. Ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakasalang ngayon sa Konggreso at pinagbobotohan simula ngayong araw–ay ang panukalang batas na magbabalangkas ng pamamahala at pagpapasya ng Bangsamoro sa kanilang nasasakupan at pamayanan , batay sa mga mahahalagang kasunduang Comprehensive Peace Agreement (CAB) ng GPH at MILF. Ito ay naglalayong isabuhay ang karapatan ng Bangsamoro para sa Pagpapasya sa Sarili.

Kinikilala, kapwa ng MILF, ng malawak na pwersang pangkapayapaan, malawak na sambayanang Bangsamoro at Pilipino, kabilang kami sa FDC—na susi ang kagyat na pagsasabatas ng isang BBL na nagsasalamin sa diwa at prinsipyo ng CAB, at naayon sa karapatan sa pagpapasya sa sarili ng Bangsamoro, at tumutugon sa karapatan, interes, kagalingan at soberaniya ng sambayang Pilipino sa pangkalahatan. Batid namin na walang isang perpektong batas, lakip na ang BBL at kahit ang Saligang Batas ng Pilipinas. Nguni’t hindi kami makakapayag na ang anumang lehitimong puna sa kakulangan ng BBL—ay siyang maging dahilan upang palabnawin at gawing inutil ito, na mas masahol pa sa kasalukuyang batas na umiiral sa ARMM at sinasalaula ang batayang prinsiyo ng hustisya at karapatan sa pagpapasya sa sarili ng mamamayang Bangsamoro.

Kami ay naniniwala na higit na mahalaga at sa katunayan, kagyat ang pangangailangan na maipasa ang isang BBL na bukas at pleksible sa pag-aamyenda o pagpapatibay sa pamamagitan ng pagwawasto o pagpupuno ng mga kakulangan nito. Kami ay nangangamba sa maaaring maging alternatibo, sakaling muling mabigo at malansag ang isang mabuway na kasunduang pangkapayapaang umiiral sa ngayon. Ang panunumbalik sa kaguluhan at digmaan, ay hindi isang katanggap-tanggap na opsyon sa matagal-nang naghihirap nating mga kababayan sa Bangsamoro at Mindanao.

Sa kabilang banda, nakaamba ang mga panganib ng kaguluhan o pagkanulo ng mga ipinaglalaban nating isang makatarungang BBL kung hindi natin maiwasto o mapagtibay ang mga kahinaan nito, hindi natin maihanda at mapakilos ang pinakamalawak na mamamayang Bangsamoro , kapitbisig ang sambayang Pilipino na tiyaking sila at hindi lamang iilan ang tunay na magtatamasa sa mga pakinabang at pagbabagong pinangako ng isang bagong pampulitikang kaayusang nagpapasya para sa Bangsamoro. Higit sa lahat, pinaglalaban natin ang Bangsamorong nagpapasya sa sarili, bilang bahagi ng sambayanang Pilipinong lumalaban para sa kalayaan, kaginhawaan, pagkakapantay-pantay at hustisyang panlipunan.

Sa diwa ng pagkakaisa at sama-samang paglaban para sa isang makatarungang panlipunan at matagalang kapayapaan sa buong bayan, ang FDC ay nanawagan na sabay sa pagtulak ng isang BBL batay sa kasunduang pangkapayapaan at hustisyang panlipunan, sama-sama nating igiit at ipaglaban ang sumusunod na kahilingan at panawagan:

​Labanan at sagkaan ang paghaharing trapo, elitista, korap at warlord sa Bangsamoro at Mindanao. Itaguyod at palakasin ang demokratikong pagpapasya at kapangyarihang Bangsamoro!
—————–
Pahayag ng Freedom from Debt Coalition hinggil sa Mayo 11 Pagkilos: “Bangsamoro Para Sa Bayan, Para Sa Lahat”